Lima pang stock brokerage firm ang pinaniniwalaang naging biktima ng multi-billion stock scam na kinasasangkutan ng R&L investment ng pamilya Lee at isa nitong tauhan na si Marlon Moron, ayon sa Philippine National Police (PNP) Anti-Cyber Crime Group.
Naniniwala si Ivy Salazar, pinuno ng finance crime unit ng PNP Anti-Cyber Crime Group na isang sindikato umano at hindi lang si Moron ang nagsamantala sa loophole o butas sa stock inventory system ng Philippine Stock Exchange (PSE) na dapat ding managot sa stock theft.
Tuluyan nang natigil ang operasyon ng pinakamatandang R&L investment na 50 taon nang pag-aari at pinatatakbo ni longtime stock broker Rene Lee matapos mabunyag na ang matagal na nitong clerk na si Moron ay nangulimbat ng mahigit P700 milyong stocks ng kanilang mga kliyente makaraang malulong sa sugal.
Ayon sa nominee na si Lucy Linda Lee ng R&L, inamin mismo ni Moron sa sinumpaang salaysay at video confession nito na 11 taon na niyang ninanakawan ng stock inventory ang kompanya na lingid sa kaalaman ang mga may-ari nito.
“Due to this (R&L) case, we discovered there are about five other firms that could have been victimized, but did not report to the authorities. We found out accordingly, meron pang iba mga tao and mostly magkakakilala, sila ang nakaindi sa pasikot-sikot sa trading ng PSE. Puwedeng may sindikato,” sabi pa ni Salazar sa isang exclusive interview sa kanyang opisina sa Camp Crame.
Tumanggi naman ang opisyal na tukuyin ang lima pang kompanya na nabiktima ng stock scam dahil hindi pa umano tapos ang kanilang imbestigasyon.
“These are different companies and possibly also other set of suspects. We are encouraging them to come forward. They know the ins and outs of the system, found a hole in the PSE system and took advantage,” dagdag ni Salazar.
Aniya, maraming dapat na ipaliwanag ang PSE na masusing mino-monitor ng Capital Market Integrity Corporation simula noong 2012 kung paanong namaniobra ng isang simpleng clerk ang anti-fraud measure na ipinapatupad ng tanggapan.
“The PSE should also take some responsibility for the incident, because nabutasan ‘yung system nila at napasukan,” paliwanag ni Salazar.
“Merong third audit-puwede lang ‘yun (nakawin ang pera) kung may kakutsaba or puwede na lax lang ang audit ng PSE-prior sa incident na eto merong unreported sa ibang companies,” sabi pa ng opisyal. (Nancy Carvajal)