Nanukat muna sa kaagahan ng laban ang Hisamitsu Seiyaku Springs Japan bago pinaluhod ang Rebisco-PSL Manila, 25-17, 25-10, 25-14 kahapon sa simula ng 2017 AVC Asian Women’s Club Championship sa Boris Alexandrov Sports Palace sa Kazakhstan.
Binabasag ni 6-foot-5 Jaja Santiago ang depensa ng mga Hapon kaya nakatikim ng three-point lead ang Pinay spikers sa first set, 9-6.
Pero hindi nakatagal ang Rebisco-PSL Manila, lumabas ang bangis ng two-time champion Hisamitsu Seiyaku at kinontrol ang laban pagkatapos ng first technical timeout.
Humataw si Santiago ng 16 points para sa Filipinas na naglalaro nang walang import, tumikada si Kim Fajardo ng apat na puntos kasama ang 11 excellent sets habang tigatlong puntos ang inambag nina Ces Molina, Rhea Dimaculangan, at Jovelyn Gonzaga.
Kumana si middle blocker Fumika Moriya ng 14 markers para sa Japan club habang nirehistro nina Yuka Taura at Yuka Imamura ng 12 at 11 puntos ayon sa pagkakasunod.
Sunod na makakalaban ng Rebisco-PSL Manila ang Vietnam ngayon habang katapat nila bukas ang China.