PSL: Dimaculangan hindi nagkulang vs HD

Patuloy ang pamamayagpag ng defending champion Petron Blaze Spikers matapos nilang kawawain ang Cignal HD Spikers 25-10, 25-7, 25-19 kagabi sa Philippine Superliga Grand Prix sa Alonte Sports Arena sa Biñan City.

Naging pangunahing armas ng Blaze Spikers si Rhea Dimaculangan matapos ilista ang 17 excellents sets at apat na service aces, tumibay sa top spot ang Blaze Spikers kapit ang malinis na siyam na panalo.

Nalasap naman ng HD Spikers ang pang-limang talo sa 10 salang sa event na suportado ng Asics, Mueller, Mikasa, Senoh, Team Rebel Sports, Bizooku, UCPB Gen, Cocolife, Hotel Sogo at Data Project.

Isang malutong na palo ang kinana ni Kathe­rine Bell para tapusin ang laban sa set three.

Ipinakita ng Blaze Spikers ang kanilang tikas nang tambakan nila ang HD Spiker sa second set, 25-7.