PSL Finals Game 1: Petron nakauna sa F2 Logistics

Mga laro sa Martes:
(Mall of Asia Arena)
4:15 pm – La Salle-Dasmariñas vs CSA
7:00 pm — Petron vs F2 Logistics

Halos hindi pinawisan ang defending champion Petron sa pagsilo ng Game 1 matapos walisin sa tatlong sets ang F2 Logistics, 25-23, 25-11, 25-17 sa Philippine Superliga All-Filipino Conference finals sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, kagabi.

Naghalinhinan sa opensa sina Mika Reyes, Bernadeth Pons, Cherry Rondina at Aiza Maizo-Pontillas upang makauna ang Blaze Spikers sa best-of-three series at mamuro sa kanilang back-to-back titles sa Martes.

Isang malutong na palo ni Ara Galang at blangka ni Aby Marano at nakuha ng Cargo Movers ang three-point lead, 5-2 sa kaagahan ng third set.

Subalit gumapang ang Blaze Spikers, matapos ang 9-All ay kumalas na sila at hinawakan ang 22-12 bentahe tungo sa pagsilo ng panalo.

Matapos ang dikitang bakbakan sa set 1, uminit ang opensa ng Blaze Spikers sa set 2, lumamang agad sila ng siyam, 16-7 sa second technical timeout at hindi na ito lumingon sa kanilang likuran para ikahon ang two sets up.

Samantala, nasikwat ng Generika-Ayala ang third place matapos kalusin ang Cignal, 25-12, 30-28, 25-13 sa kanilang bronze-medal match.