Buhay pa ang asam ng Generika na makapasok sa top three matapos kaldagin ang Sta. Lucia 25-21, 25-13, 25-16 kahapon sa 2017 Belo-Philippine Superliga Invitational Conference sa Muntinlupa Sports Complex.

Tangan ang 2-2 card, kailangan ng Ayala Lifesavers na ipanalo ang huling laro kontra Petron sa Huwebes para makasiguro ng playoff sa Final Round.

Sasampa ang top three teams sa Final Round pagkatapos ng prelimina­ries at makakasama nila roon ang isang foreign team para magrambulan sa single round robin.

Kasalo ng Generika ang Foton sa third spot.

Si Angeli Araneta ang umakay sa Lifesavers sa nirehistrong 11 attacks kasama ang isang block upang ibaon ang Lady Realtors sa ilalim ng standings.

“Gumanda ‘yung composure namin sa second set, hindi tulad sa first set slow start,” suma ni Araneta.

Matapos ang unang set hindi na nakitaan ng magandang laban ang Lady Realtors, niratrat sila ng Lifesavers sa huling dalawang frames.

Tangan ang 16-8 bentahe sa second technical time sa third set, hindi na pinahabol ng Generika ang Sta. Lucia.

Nalasap ng Lady Realtors ang pang-apat na sunod na talo kaya hanggang classification na lang sila lalaro sa susunod na phase.