Mga laro sa Martes:
(Imus, Cavite)
5:00 p.m. — Generika-Ayala vs Cocolife, (Semis, 5-8)
7:00 p.m. — Sta. Lucia vs Cherrylume, (Semis 5-8)

Kinumpleto ng Petron at Foton ang semifinal casts matapos nilang paluhurin ang mga nakatunggali kahapon sa do-or-die quarterfinal ng Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan.

Pinagulong ng Blaze Spikers ang Sta. Lucia, 25-7, 26-24, 25-16, sa unang laro habang kinalampag ng Tornadoes ang Cherrylume, 25-22, 25-20, 25-11, para ikasa ang kanilang duwelo sa one-game semifinal.

Sa Hulyo 6 ang bakbakan ng Petron at Foton habang maglalaglagan sa isang pares ng semis ang defending champion F2 Logistics at Cignal.

Dinomina ng Blaze Spikers ang attack department matapos ilista ang 39-25.

Matapos ang walang kahirap-hirap na panalo sa unang set, nakaranas ng pitpitang labanan ang Petron sa set 2 nang sabayan sila ng Lady Realtors.

“Good thing we recovered in the second set even if they were the first to reach set point,” saad ni Petron coach Shaq Delos Santos.

Naghuramentado sa opensa si Filipino-American spiker MJ Phillips kaya nakuha ng Sta. Lucia ang set point, 24-20, subalit hindi nasira ang diskarte ng Blaze Spikers at sa pangunguna ni skipper Ces Molina ay naitakas nila ang panalo sa second set.

“We collapsed in the second set because of our reception. We were challenged and we pushed ourselves to claim the set victory. Good thing everybody stepped up. We did what we have to do, especially our service-receive.” ani Delos Santos.

Nirehistro ni Phillips ang 11 para sa Lady Realtors na haharapin ang Cherrylume sa classification battle para sa 5th to 8th places sa Martes sa Imus, Cavite.

Si Ennajie Laure ang tinanghal na best player of the game matapos itarak ang 10 attacks at tatlong blocks para sa Foton.