Haharap sa pagdinig ng House Committee on Justice ang psychiatrist upang tumestigo sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez.

Ang psychiatrist ang nagbigay daw ng mababang grado kay Sereno sa mental fitness nito noong 2012.

“By next week, I think mag-a-appear din yung psychiatrist na tumingin sa kanya at magte-testify na talagang hindi siya umabot doon sa required qualification. At dito may problema talaga…mahirap may tililing na justice. Kita niyo naman ang actuations, talagang may teleleng.”banat ni Alvarez.

Base sa alegasyon ng complainant na si Atty. Larry Gadon, si Sereno ay nakakuha ng 4 sa 5 grado sa kanyang psychological examination. Itinuturing umanong ‘unfit’ sa trabaho bilang Chief Justice ang nakakuha ng 4 sa exam.

Isinagawa ang psychological examination kay Sereno noong sumalang ito sa Judicial and Bar Council (JBC) noong 2012 upang piliin ang papalit kay chief justice Renato Corona na pinatalsik noon ng Senate Impeachment Court.

Tinutulan ng kampo ni Sereno ang pagpapatawag sa psychiatrist sa pagsasabing bahagi daw ito ng demolition job laban sa Punong Mahistrado.

“This would appear to be part of the ongoing smear campaign against the Chief Justice,”ayon pa sa tagapagsalita na si Atty. Josa Deinla.