May hinala ang Volunteers Against Crime and Corruptions (VACC) na taktika lamang ng abogado ng pangunahing suspek sa pagmasaker sa limang miyembro ng pamilya sa San Jose del Monte (SJDM), Bulacan na may problema ito sa pag-iisip, kaya nais nilang ipasailalim ito sa psychiatric evaluation.
Ayon kay Atty. Pete S. Principe, general counsel ng VACC, hinala nilang taktika lamang ng panig ng depensa ng suspek na si Carmelino Ibañez y Navarro alyas Miling, 26, binata, construction worker ng Barangay Sto. Cristo, SJDM City, na may problema ito sa pag-iisip base sa kanyang kilos at pananalita, upang maantala ang pagdinig ng kaso.
Binasahan kahapon ng sakdal ang suspek na si Ibañez sa kasong 2 counts of rape at 5 counts of murder sa branch 78 ng Malolos Regional Trial Court at naghain ito ng not guilty plea matapos ibasura ng panig ng nasasakdal ang mosyong suspendihin ang pagdinig ng kaso.
Gayunpaman, pinayagan ng korte na sumailalim sa psychiatric evaluation ang self-confessed suspect na si Ibañez na brutal na pumatay sa mag-inang si Auring Dizon, anak na si Estrella at mga apo na 8, 6 at isang taong gulang, habang sabog sa droga at lango sa alak noong Hunyo 27 ng kasalukuyangtaon.
Inaasahang maisusumite ang resulta ng psychiatric evaluation ni Ibañez sa susunod na pagdinig ng kaso sa Agosto 11 sa Malolos RTC matapos igiit ng kanyang abogado na hindi inaalis ang posibilidad na may problema ito sa pag-iisip.