Hinikayat ni Senador Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na makipag-usap sa Parent-Teachers Associations (PTA) para sa mas malinaw na pagpapatupad ng Learning Continuity Plan o LCP sa darating na pasukan.

Ayon kay Gatchalian, ang pakikipag-dayalogong ito ay dapat base sa mga health protocol para makaiwas sa COVID-19, halimbawa ang pagpapatupad ng social distancing.

Sabi ng senador, dapat malinaw din sa mga magulang at mga guro ang minimum health standard at iba pang hakbang upang panatilihing ligtas ang pagbubukas ng klase mula sa banta ng COVID-19.

Mungkahi pa nito, ang asosasyon ng mga guro at magulang ay dapat maging katuwang sa panahon ng enrollment upang maiwasan ang pag-akyat ng bilang ng mga drop-out.

“May ilang mga magulang kasi na piniling huwag na lamang papasukin ang kanilang mga anak sa susunod na school year dahil sa takot sa COVID-19,” ayon kay Gatchalian.

Sabi pa ng senador, makatutulong din ang mga PTA sa paghahanda ng mga guro at mga magulang sa paggamit ng mga alternatibong paraan ng pagtuturo kabilang ang online distance learning at paggamit ng radyo at telebisyon.

Subalit babala ni Gatchalian, maaaring makaranas ng stress ang mga magulang, mga guardian, at mga guro kung hindi sila handa sa mga pagbabago sa pagbubukas ng klase.

Sa bandang huli, ang pagkakatuto ng mga mag-aaral ang lubos na maaapektuhan, ayon sa mambabatas.

Dagdag ni Gatchalian, ang mga PTA ay maaari ring maging katuwang sa pagsasanay ng mga magulang sa pagbibigay ng psychosocial support sa mga mag-aaral.

“Nakasalalay sa ating mga magulang at mga guro ang mabisang pagpapatuloy ng edukasyon sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19,” sabi ng senador.

“Bago pa muling buksan ang mga klase, dapat ngayon pa lang ay makipag-ugnayan na ang DepEd sa PTA upang mabigyang linaw ang anumang tanong o pangamba ng ating mga magulang at mga guro,” dagdag pa ni Gatchalian na siyang chairperson ng Senate committee on basic education, arts and culture. (Dindo Matining)