PTV-4 inisnab ni cayetano, SEAG telecast bitin

Naturingang host ang bansa ng 30th Southeast Asian Games, kaya asahan nang ­magpipiyesta ang maraming manonood sa ­telebisyon sa laban ng mga ­atletang Pinoy sa 11-nation, ­12-day biennial sportsfest sa ­November 30-December 11.

Pero ‘di ‘yan ang magaganap.

Sa halip ay diyetang masisilayan lang sa mga telebisyon ang bawat laban ng mga manlalaro ng bansa sa 530 events ng 56 sports sa iba’t ibang parte ng Luzon, kabilang na ang Metro Manila.

Ito’y matapos ayawan nitong 2018 ni Philippine SEA Games Organizing ­Committee chairman, House Speaker Alan Peter Cayetano ang alok ng state-owned PTV-4 sa pagsasa-ere ng mga laro sa SEAG.

Na-isnab man sa pagmamagandang loob, tutulong pa rin ang PTV para mapalawak ang live TV coverage sa nalalapit na paligsahang itataguyod sa pang-apat na pagkakataon ng bansa.

Isang Abante TONITE source ang nagbunyag noong Miyerkoles na bumubuo ng agreement ang TV station at Philippine Sports Commission para makoberan ang skateboard at BMX events sa Tagaytay.

Hinirit ng impormante na ang dalawang event na lang ang mai-eere ng PTV dahil na rin sa pagkagahol sa oras para makahanap ng mga sponsor na tutustos sa live coverage na binalewala ng Phiscgoc-Caye­tano, at kung pinansin lang sana sila noon mas marami sanang makokoberan dahil maagang nai-market ito.

“PTV-4 wrote PHISGOC a letter as 2018 asking how it could help in the live coverage. But Phisgoc did not even bother to give it e reply,” anang source.

Ayon sa Phisgoc, 14 sa 56 sports sa SEAG lang ang maiko-cover ng TV-5 at ABS-CBN Broadcasting Corp. Ang TV-5 ang magpapalabas ng basketball, boxing, billiards, badminmton, e-sports, taekwondo, karate, wushu, at weightlifting; at ang ABS-CBN ang mag-eere ng football, volleyball, swimming, gymnastics at track and field.

Binadyetan ng Phisgoc-Cayetano ng P136.545M ang broadcast content at service requirements. Pero nito lang isang araw inamin ng opisyal na kinuha niya ang ­trabaho na ‘di niya makontrol dahil sa ‘di mga taga-sport at pagiging bagito ng mga tauhan niya bukod pa sa maanomalyang pribadong binuo na gumagasta ng P6B pera ng taumbayan para sa pagdaraos ng SEA Games.

Dahil sa pagbaha ng mga reklamo mula sa mga atleta, opisyal at journalist hinggil sa mga hotel, transportation, food, ­water, ­playing venue, ID at service ­vehicle, at iba, mabigat sa loob na tinanggap ng Phisgoc-Cayetano ang paglipat sa Department of ­Toursim ng ­billeting ng 10 ­bansang ­delegasyon na ­nagdaratingan na’t may ilang ­pribadong kompanya ang ­sumaklolo para isalba ang bansa sa mas matindi pang dagok.

Nagpaumanhin na si Cayetano sa mga kapalpakan niya. Pero ‘di sapat ito para kay Pangulong ­Rodrigo Duterte, na pinaiimbestigahan na ang Speaker at mga alipores nito dahil sa paglagay sa kanyang ­administrasyon na katawa-tawa sa rehiyon. (Elech Dawa)