Public apology ni Aguirre inaabangan ng LP

Inaabangan ng Libe­ral Party (LP) ang gaga­wing public apology ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa Lunes kaugnay sa akusasyon nito laban kay Sen. Bam Aquino na kalaunan ay kanya ring binawi.

Partikular dito ang pagdawit nito sa senador sa Marawi crisis.

Ayon sa report, sa Lunes umano gagawin ni Aguirre ang kanyang public apology.

Ayon kay LP President at Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan, inaabangan umano nila ang magiging public apology ng kalihim kung ito’y katanggap-tanggap at kung sapat na.

“Tingnan natin sa Lunes kung mag-sorry siya, tingnan natin kung katanggap-tanggap ang public apology niya,” ­ayon kay Pangilinan.

Una nang pinalagan­ at pinagtaka ni Aquino kung bakit nautal at kailangang patagalin ng kalihim ang paghingi ng public apology gayong simpleng paghingi lamang at pag-ako sa pagkakamali ang dapat niyang gawin.