Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pa rin pinapayagang bumiyahe ang anumang uri ng mga pampublikong sasakyan sa mga lugar na isasailalim sa modified enhanced community quarantine simula sa Mayo 16.
Sa virtual press briefing Miyerkoles ng umaga, binanggit ng kalihim na kabilang sa mga pampublikong sasakyan ay ang mga train system, bus, jeepney, taxi, Transportation Network Vehicle Service (TNVS), at tricycle.
“Sa modified ECQ, wala pa rin pong public transportation, pero puwede mag-deploy ng mga shuttle buses `yung mga industriya na ina-allow na magtrabaho at saka subject sa exceptions sa ibibigay ng DILG [Department of the Interior and Local Government] tungkol dito,” ayon kay Roque.
Hinimok nito ang mga kompanya na magbigay ng public shuttle para sa kanilang mga manggagawa.
“Ang mga public shuttle dapat ibigay ng mga kompanya. Kung pagmamay-ari ng kompanya wala na kinakailangang permit sa LTFRB [Land Transportation Franchising and Regulatory Board], pero kung sila uupa ng shuttle kinakailangangan kumuha ng permit sa LTFRB,” sabi pa ng kalihim.(Prince Golez)