Meron pong bagong desisyon ang korte suprema patungkol sa usapin ng trnaportasyon. Kanilang pinagtibay ang pagbibigay ng buwanang suweldo sa mga driver ng bus at the same time, pinagtibay din ng mga mahistrado ang quota system na kasalukuyang ipinapatupad ng mga bus companies. Kaya po ipinanukala ng dating MMDA ang pagbibigay ng buwanang suweldo dahil ang boundary o quota system ay ang ugat ng kawalang disiplina ng mga tsuper ng bus. Ang katuwiran po ng Korte Suprema, hindi dapat pagkaitan ang mga tsuper na kumita ng dagdag sa kanilang suweldo.
Ngayon, ipinapanukala na pati mga jeepney driver ay gawing suwelduhan. Sa pamamagitan aniya nito, makakapamuhay ng maayos at marangal ang mga tsuper, at madidisiplina sila sa pagmamaneho. Ginawa na ‘yan sa mga bus pero ‘di umubra.
Naalala ko tuloy ang mass transport system sa ibang bansa. Sa MTR ng Hong Kong, pag inanunsiyo na “the train will arrive in two minutes, darating ‘yun sa oras. No delays. Sa Japan, pag sinabing ang bus ay aalis ng alas-8:30 nang umaga, pagpatak ng alas-830 nang empunto, aalis na ‘yun, puno man o kakalog kalog ang bus. Well, maliban sa hindi matatawaran ang disiplina ng mga Hapon, wala silang iniintinding boundary doon dahil sila ay suwelduhan ng gobyerno dahil gobyerno ang may hawak ng public transport.
Kaya nga tinawag na public transport, dapat ang may hawak ay gobyerno at suwelduhan lamang nila ang mga tsuper. Hangga’t hindi nahahawakan ng gobyerno ang public transport at ipapanatili sa kamah ng mga negosyante ang pagpapatakbo nito, asahan ho ninyong hindi titino ang trapik sa bansa. Pag ang sentro ay profit, asahan ninyo ang trapik dahil sa magkakanya-kanya ang mga ‘yan sa pagmamaneho.