Pinag-iingat ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang publiko lalo na ang mga mahilig mamasyal sa mga hindi kinikilala na nasa negosyo ng travel and tours, airline ticketing at iba pang mga negosyo ng paglalakbay.
Ang babala ay inilabas ng DoT matapos makatanggap ng iba’t ibang mga ulat dahil sa paglaganap ng mga non-accredited entities na nagpapatalastas sa iba’t ibang mga platform ng social media para sa airline ticketing, travel and tours arrangement, hotel booking, at mga alok sa pagsasanay para sa pamamahala ng negosyo ng paglalakbay.
Kaya pinaalalahanan ng ahensiya at binigyan ng babala ang publiko na maging mapagmatyag sa pakikipag-usap sa mga entidad na ito dahil walang garantiya na maaasahan at pagiging lehitimo ng kanilang mga serbisyo.
Sinabi ng DOT na mayroon lamang piling mga training center na nag-aalok ng mga kurso sa paglalagay ng mga travel agency at iba pang mga serbisyong may kaugnayan sa turismo.
Binigyan-diin pa ng DoT na ang lahat ng mga travel agencies/ tour operators, kabilang ang mga online booking, ay nasasakop sa ilalim ng DoT Accreditation Law na nangangailangan muna ng accreditation bago mabigyan ng business permits.
“Ang hindi pagsunod sa mga probisyon nito ay maaaring parusahan ng batas,” ayon pa sa babala.
Paliwanag ng DoT, ang mga entity na may balido at umiiral na accreditation sa mga ito ay may mga website na nagbibigay ng impormasyon o mga online na pahina na may DoT’s Quality Seal at ang kanilang kaukulang Accreditation Number na may bisa.
Kasabay nito, hinimok ng kagawaran ang publiko na maaaring silipin ang kumpletong listahan ng mga DoT-accredited enterprises sa www.tourism.gov.ph.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa DoT Standard Monitoring and Enforcement Division sa 459-5200 loc. 216. (Mina Aquino)