Tanggap ng Malacañang ang ipinalabas na temporary restraining order (TRO) ng Court of Appeals (CA) laban sa mga commissioner ng Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa wala na rin itong saysay sa pagtalaga ng mga acting commissioner.

Ito ang ipinaliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque kung saan tiniyak pa niyang hindi magiging agrabyado ang publiko sa kaganapang ito.

“Parang naging moot na iyong temporary restraining order na iyan dahil ayaw na nga po, nagkaroon ng implementasyon at nagkaroon na ng appointment ng OIC,”wika ni Roque bagamat ibeberipika pa umano niya kung may naitalaga nang OIC si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Sa punto ng Ehekutibo, wala pong irreparable injury pagdating naman doon sa serbisyo ng ERC, kasi nga po nariyan iyong pag-a-appoint, pagtatalaga ng mga acting commissioners. So wala po dapat maging paralysis diyan,”dagdag pa ni Roque.

Dismayado naman si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa pagbaligtad at pagbabago ng timpla ng Malacañang patungkol sa suspensyon ng apat na commissioners ng ERC.

Bunsod nito, nalagay aniya sa alanganin ang interes ng mga consumer.

Sa katunayan ayon pa kay Zarate, simula ng inilabas ang TRO ang unang ginawa ng mga commissioner ay itaas ang singil ng kuryente ng Meralco.

“What is worrisome at this point is the fact that with the CA TRO and Malacañang’s tacit acquiescence, the ERC might just railroad the approval of the questionable seven (7) Meralco PSAs and pass on to consumers almost P2T worth of charges for the next 20 years. This is an irreparable injury to the consumers that Malacañang should have prevented and not the vested interest of the few,” pagtatapos ni Zarate.