Binalaan ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang publiko laban sa mga taong nag-aalok ng tulong para makakuha ng identification card at member data record (MDR) kapalit ng bayad sa kanila.
Sa isang pahayag, sinabi ng Philhealth na gumagamit ang mga taong ito ng social media platform sa kanilang modus operandi na ang target ay mga miyembro na nagbabayad at nag-iisyu pa ng authorization para mapabilis ang pagproseso at pagpapadala ng kanilang ID at MDR.
Itinuturing ng Philhealth na ‘fixing’ ang mga ganitong gawain na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Anti-Red Tape Act of 2007.
Binigyan-diin ng ahensiya na hindi sila naniningil ng anumang kabayaran para sa pag-iimprenta at pag-iisyu ng Philhealth ID at MDR.
Pinayuhan din ng Philhealth ang kanilang mga miyembro na magtungo na lamang sa pinakalamapit na regional office ng ahensiya, local health insurance office o Philhealth Express sa kanilang lugar at makipagtransaksiyon lamang sa mga empleyado nila.
Hiniling din ng ahensiya sa publiko na isumbong sa kanila ang anumang insidente ng fixing.