Publiko winarningan ng FDA sa 4 na gamot

Binalaan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko sa pagbili ng apat na gamot­ sa merkado, matapos matuklasang hindi rehistrado sa kanilang tanggapan at ­posible anilang magdulot ng problema sa kalusugan ng sinumang gagamit nito.

Base sa FDA Advisory No. 2016-084, naglabas ito ng public health warning sa publiko laban sa pagbili at paggamit ng Betahistine dihydrochloride (Serc) 8 mg tablet na gawa ng Highnoon Laboratories Ltd.; Cinnarizine (Stugeron) 25 mg tablet na gawa ng Johnson & Johnson – Pakistan (Private); Betahistine diHCl (Serc) 16 mg tablet ng Abbott Healthcare SAS; at Ketorolac Tromethamine (Ketorocin-0.5) Ophthalmic Solution 5 mL na gawa ng Appasamy Ocular Devices Pvt Ltd Pharma Division.

Ibinulgar ng FDA na hindi rehistrado sa kanilang tanggapan ang naturang mga produkto at maaaring makasama ito sa kalusugan.

“All healthcare professionals and the general public are hereby warned to be vigilant of the abovementioned drug products. These pose potential danger or injury to the consuming public and the importation, selling or offering for sale of such is in direct violation of Republic Act No. 9711 or the Food and Drug Administration Act of 2009,” base sa advisory ng FDA.

Pinaalalahanan din ng FDA ang mga establisimi­yento at mga outlet laban sa pagbebenta ng mga ­naturang gamot at binalaan na ang sinumang lalabag sa kautusan na papatawan ng kaukulang parusa.

Iginiit pa ng FDA sa mga lahat ng local govern­ment units at law ­enforcement agencies na tiyaking hindi maipagbibili­ sa kanilang lokalidad at area of jurisdiction ang mga naturang unregis­tered drug products. ­