Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakara­ting ako sa Pudtol. Biglaan ang biyahe. Campus journalism ang sadya ko. Sa isip ko ay hindi magtatagal ang pagpunta doon at pack up na, balik-Maynila after one week.

May 13-oras din ang biyahe sakay ng bus from Manila to Apayao. Halos pareho lang ang layo sa probinsya namin sa Bicol. First time kong makara­ting sa bayan ng college batch mate at kaibigan kong si Pudtol Mayor Hector Reuel Pascua na mula pa noong board member siya hanggang maging vice governor ay madalas nang nag-iimbita na bisitahin ko ang lugar nila.

Nagbilin ang isang kaibigan namin bago pa ako bumiyahe na magdala ng jacket at tsinelas. Malamig daw doon at kapag maulan ay maputik ang daan. Habang nasa biyahe iniisip ko kung ano ba ang itsura ng Apayao…ng Pudtol. Ano ang dadatnan ko at ma-enjoy ko kaya ang konting panahon na mag-stay doon?

Maaliwalas ang panahon pagdating ko doon pero malamig ang simoy ng hangin. Taglamig pala talaga sa kanila mula Agosto hanggang Pebrero.

In two days nakapag-lecture ako sa mga elementary at high school students doon. Ang totoo n`yan mabilisan ito dahil napa-aga ang schedule ng kanilang kompetisyon. Enjoy ako sa pagtuturo sa mga bata na nakilala ko sa napakaiksing panahon lang kasama ang kanilang mga adviser.

Pagkatapos ng lectures ay unti-unti ko nang naikot ang Pudtol. Marami akong nakilala. Nasaksihan ko rin ang kanilang mga tradisyon sa kasalan at birthday celebration. Doon ko na rin nalaman sa pakikipagkuwentuhan ang magagandang lugar-pasyalan sa Pudtol.

Namangha ako na sementado na pala ang mga daan sa Pudtol at maging sa iba pang bayan ng Apayao. Hindi lang mga national road kundi pati na sa mga malalayong barangay. Hindi na mahirap bumiyahe, hindi na maputik kapag tag-ulan. Hindi na rin mahihirapan ang mga magsasaka na iluwas sa kabayanan ang kanilang mga ani.

Pruweba ang Bubulayan Bridge sa Lt. Balag na dating tinatawid sa pamamagitan ng bangka pero ngayon nakakabiyahe na kahit anong sasakyan.

Hindi natupad ang plano kong isang linggo lang sa Pudtol. Tiyempo rin kasi na 60th foundation day ng kanilang bayan kaya join na rin ako sa selebrasyon kasama na ang sightseeing sa magagandang lugar-pasyalan nila na siguro kahit mismong mga taga-Pudtol ay hindi pa nararating ng lahat.

Sa mga mahilig sa bird watching at mountain climbing ay naroon ang Agora Wildlife Sanctuaries sa Brgy. Upper Maton. May hot spring naman sa Brgy. Aurora kung saan puwedeng mag-picnic at swimming.

Mamamangha kayo sa Nabbatan Cave sa Brgy. San Mariano. Malamig ang tubig sa loob ng kuweba pero kung trip mong mag-swimming ay kakayanin. Kakaiba.

Ang Nagan River sa Brgy. Lydia ay Grand Slam Awardee ng Gawad Kalinga sa Kapaligiran bilang ‘Cleanest Inland Body of Water’ sa buong bansa. May subterranean river naman sa Brgy. Upper Maton at ang Labay Falls sa Brgy. Lydia.

Ang may-akda kasama si Pudtol Mayor Hector Reuel D. Pascua, ang kanyang anak na si Heru at staff ng munisipyo na si Brum nang pumasyal sa Mataguisi Church ruins.

Kapag nasa higher ground ka ay matatanaw ang kahabaan ng Apayao River na katulad ng iba pang ilog sa Pudtol ay napakalinis.

Narating din ng mga Spanish missionaries ang Pudtol. Katunayan ay nakapagtayo sila dito ng dalawang simbahan na matatagpuan sa mga bara-ngay ng Emilia (1607 itinayo) at Mataguisi (1608). Sa ngayon ay church ruins na lamang ang makikita sa kinatatayuan ng dalawang simbahan na planong i-restore ng pamahalaang bayan ng Pudtol sa tulong ng pambansang pamahalaan.

Isa pa sa ipinagmamalaki ng Pudtol ay ang Philippine Eagle. Protec­ted area ang kagubatan ng Pudtol kung saan makakakita pa ng agila.

Ampayag Ti Pudtol.

***

Ang Pudtol ay isa sa pitong bayan ng Apayao. Mayroon itong 22 barangay. Pinakamalaki ang Brgy. Upper Maton at pinakamaliit ang Brgy. Amado.

Sa Upper Maton matatagpuan ang highest point ng bundok ng Apayao… ang Mt. Solo.

Unang nanirahan sa Pudtol ang mga Aeta hanggang sa dumating ang mga Mandayas o Isnag na siyang nagpasimula ng pamayanan ng Pudtol. Pangangaso at pagtatanim ang kanilang ikinabubuhay.

13-oras ang biyahe papuntang Pudtol kung sasakay ng bus o mas maiksi ng konti kung priba­dong sasakyan ang dala. Puwede rin sa eroplano, bababa ng Tuguegarao City at tatlong oras na lang ang biyahe mula dito papuntang Pudtol.