Nitong Lunes ng madaling-araw, isang granada ang inihagis at pinasabog sa Salaam Mosque Compound sa Brgy. Culiat na nagresulta sa pagkakasugat ng apat na pulis at tatlong barangay tanod.
Ayon kay QCPD Director Senior Supt. Guillermo Eleazar, dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang naghagis ng granada sa mga pulis at volunteer na nagpapatrolya sa lugar.
Kinilala ni Eleazar ang mga biktima na sina: PO3 Jaalin Abdurajik, PO2 Abdulwarid Julaid, SPO1 Romeo Amming, at retired SP04 Sala Uddin. Sila ay mga miyembro ng Police Security Protection Group (PSPG) ng Philippine National Police (PNP).
Ang mga volunteer na nasugatan naman ay sina Khadafi Udhan, Alex Taluyan at Junrey Tioc.
Ang mga biktima ay pawang mga residente ng Barangay Culiat na nagboluntaryo na magpatrolya sa kanilang lugar.
Bilang tugon sa insidente, kaagad na nag-utos si District Director Eleazar ng imbestigasyon sa pag-atake.
Personal ding binisita ni Director Eleazar sa ospital ang mga biktima at nangakong tutulong sa kanilang gastusin.
Ayon kay Eleazar, hindi nila inaalis ang posibilidad na ang pag-atake ay kagagawan ng mga sindikato ng iligal na droga na nais na maghiganti sa pinaigting na operasyon ng QCPD.
Naging notoryus noon ang Brgy. Culiat dahil sa loob ng matagal na panahon, naging kuta at pugad ito ng mga tulak at adik sa droga.
Umaaray na ang mga sindikatong nasagasaan sa pinaigting na operasyon kontra iligal na droga sa Quezon City, partikular na sa Brgy. Culiat na dati ay “untouchable” pero mapangahas na in-operate QCPD.
Pero dahil sa serye ng mga raid na ginawa ng QCPD, ang pamamayagpag ng iligal na droga ay nasawata at nagbunsod sa mga residente sa lugar na magkaroon ng lakas ng loob na lumaban sa sindikato.
Ang nasimulang ito ang ayaw na masayang ng mga residente kaya naman sila ay naninindigan na hindi padadala sa mga pananakot ng sindikato lalo pa’t may sinasandalan sila na mga mapagkakatiwalaang puwersa ng pulis ng Quezon City.