Madulas, matinik, notoryus.
Ganito inilarawan ni Quezon City Jail Warden Ermilito Moral ang naarestong preso na tumakas sa kulungan sa pamamagitan ng pagtalon sa mataas na gusali ng kanyang kinapipiitan at nagpalipat-lipat sa bubungan ng Quezon City Police District-Station 10 at mga katabing bahay noong Disyembre 17, 2017.
Subalit nasakote rin ang puganteng si JR Mananquil, 18-anyos, residente ng No. 119 Kaligtasan St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City na may mga kasong carnapping, drug pushing at illegal possession of firearms.
Naaresto siya makaraang painan ng seksing bebot na kinilala lamang sa pangalang Rossana. Kapitbahay umano ito ni Mananquil at matagal na nitong gustong makatalik.
Nalaman ng mga awtoridad na matagal nang kursunada ni Mananquil si Rossana kaya kinontak nila ito at pumayag naman na maging ‘asset’ para masakote ang pugante.
Nag-eyeball sila sa isang motel sa Payatas Road, Barangay Litex at habang naroroon na sa loob ng isang kuwarto ay sumalakay ang mga pulis at dinamba si Mananquil.
Magugunitang dahil sa pagtakas ni Mananquil ay nasibak sa kanilang tungkulin sina Senior Inspector David Jambalos, SJO4 Remegio Minao, SJO2 Antonio Ravago, SJOIs Dominador Zacarias, Verolion Sayson, Ronnie Abugadie, Jhoemr Balila at Rey Julius, ang mga jail guard na naka-duty nang tumakas ang naturang preso.