Pugot ulo sa NPA P.1M na – Digong

rodrigo-duterte

Hayagang sinabi kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang itataas hanggang sa P100,000 ang reward sa bawat pugot na ulo ng New People’s Army (NPA) mula sa dating alok na P25,000.
 
Sinabi ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa 10th Biennial National Convention at 20th Founding Anniversary Celebration ng Chinese Filipino Business Club, Inc. (CFBCI) sa Manila Hotel, na sa laki ng alok na reward ay tiyak na mismong ang mga NPA na ang magpapatayan.
 
Ang ulo lamang aniya ng NPA ang dalhin sa kanya, hindi na kaila­ngan ang buong katawan at kapalit nito ang isang daang libong piso.
 
“Next week mag-increase ‘yan. I will increase it to make it 30. I-increasan ko ng P100 thousand, sila na ang magpapatayan. No need to bring me the body, bring me the head, ilagay mo sa stryrofoam, ipakita mo sa akin and the military will validate kung to­toong NPA ang napatay,” anang Pangulo.
 
Sinabi ng Presidente na kinuwenta niya kung magkano ang magagastos sa bawat P25,000 na pabuya at makakamura aniya ito subalit mas madaling maubos ang mga rebelde kung itataas ang reward ng hanggang P100,000 dahil sila-sila na ang magpapatayan.
 
Matatandaang unan­g nag-alok ang Pangulo ng pabuyang P20-25,000 sa mga Lumad at Cafgu sa bawat mapatay na NPA matapos magbanta si Communist Party of the Philippine Founding Chairman Jose Maria Sison na papatay sila ng isang sundalo kada araw hanggang hindi naibabalik ang usapang pangkapayapaan.