PUJ drayber na pusher utas sa Bulacan

Isang jeepney drayber na sideline ang pagtutulak ng shabu ang napatay makaraang man­laban sa pulis nang tumangging magpahuli ng buhay matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Sitio Dulong Bayan, Barangay Poblacion, Sta. Maria, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Raniel Valones, Sta. Maria police chief, ang napatay na suspek na si Jimmy Boy Gruta y Alejandro, 28, binata, ng Sitio Putol, Brgy. Bulac, ng nasabing bayan.

Nagtamo ng tama ng bala sa katawan si Gruta matapos ang running gun battle kung saan nasawi ito habang nasa kanyang dyip na may plakang CXC-184 at may rutang Sampol, Sta. Maria-Meycauayan.

Bandang alas-11:10 ng gabi nang maganap ang insidente matapos ipasailalim sa operasyon si Gruta ngunit nakahalata ang tulak kaya pinaputukan ang pulisya saka pinasibat ang kanyang dyip.

Nasundan ito ng running gun battle hanggang sa makorner ang suspek at nakarekober dito ang pitong pakete ng shabu, isang caliber .38 revol­ver at marked money.

Lumilitaw na ang suspek ay nagtutulak ng droga sa kapwa nito drayber habang namamasada.