Mayo 2019 nang sa unang pagkakataon nagharap sa playoffs ang magkapatid na Stephen at Seth Curry.

West finals, salpukan ang Golden State ni Steph at Portland ni Seth.

Weird, pero ang magulang nilang sina Dell at Sonya Curry, hindi makapag-cheer nang todo. Hindi malaman kung kanino kakampi.

Sa bunsong si Seth? Sa panganay na si Steph?

Nakahanap ng solusyon ang mag-asawa, nagpasadya ng pinagdikit – o pinaghati – na jersey ng Warriors at Trail Blazers.

Nasa Dallas Mavericks na si Seth ngayon, hindi anila malilimutan ang matchup na ‘yun.

“It was a special moment not only for us, but our family to be able to watch us play at the highest level in the playoffs, and compete for an opportunity to go to the Finals,” ani Seth sa Q&A ng NBA official Twitter account.

Weird din para kay Seth na bantayan si Steph.

“It’s funny because I’m usually rooting for him to play well and usually rooting for the Warriors to win,” dagdag ni Seth.

Sa Game 2, naglista si Seth ng 16 points at 4 steals – tatlo rito kay Steph.

At sa isang play, kitang nag-travel si Seth pero hindi tinawagan at nakapagsalpak pa ng corner 3 – sa harap ni Steph, sa bench ng Warriors.

Napatayo noon si Curry, sumisigaw na itinuturo sa referee na nag-travel si Seth.

Winalis ng Warriors ang Blazers sa apat na laro. (VE)