Magkahalong galit at paghihinagpis na sinabi ng ama ni Reynaldo De Guzman alyas ‘Kulot’, ang 14-anyos na huling kasama ni Carl Angelo Arnaiz bago ito mapatay, na mga Pulis Caloocan ang may kagagawan ng kalunos-lunos na pagkamatay ng kanilang anak na natagpuang palutang-lutang sa isang creek sa Nueva Ecija noong Martes ng umaga.

“Sa tingin ko hinuli sya ng pulis… pulis Caloocan… Pulis Caloocan ho ang nakadali diyan.

Malamang kaya tinira ‘yan kasi baka maging testigo,” ang galit at mangiyak-ngiyak na pahayag ng amang si Eduardo de Guzman.

“Pinaghiwalay nila kasi ‘yan ‘yung huling kasama ng Carl Angelo na ‘yan eh,” dagdag pa ni Eduardo.

Wala ba silang anak? Wala silang awang pumatay ng bata. Tinadtad nila ng saksak,” dagdag ng naulilang ama.

Habang pinagmamasdan ang nakabalot ng kumot na mga labi ng anak, patuloy ang pag-iyak at bulong ng mag-asawang Eduardo at Lina Gabriel, na lubos ang galit at dalamhati sa malagim na sinapit ng kanilang anak.

“Bakit nakarating sa ganitong layo na lugar ang aking anak?” ang itinanong ng ama ni Reynaldo sa mga pulis ng Gapan.

Si Reynaldo, na grade 5 pupil sa Maybunga Ele­mentary School sa Pasig City, at kilala sa palayaw na Kulot ay huling nakita na kasama ang napatay ding si Carl Arnaiz noong Agosto 17 sa Cainta, Rizal at mula nuon ay hindi na ito nakita pa, lalo na nang matagpuang patay si Carl.

Kamakalawa ng alas-11:30 ng tanghali nang matagpuan ang bangkay ni Reynaldo na lumulutang sa ilog sa Barangay San Roque, Gapan, Nueva Ecija na humigit kumulang 30 ang saksak sa iba’t ibang parte ng katawan at nakabalot ng packaging tape ang mukha.

May mga lapnos umano sa balat ng biktima at nangangamoy gasolina ito nang kanilang buksan ang pinaglagyang body bag na posibleng tinangkang sunugin, ayon pa sa puneraryang pinagdalhan sa mga labi ng binatilyo.

Kahapon nang tumu­ngo ang mga magulang ni Reynaldo sa Dariz Funeral Parlor kung saan nakalagak ang bangkay. At dito nila kinumpirma na ang nawawala nilang anak ang bangkay dahil sa balat sa batok at kulugo sa tuhod.

“Bakit ginanyan niyo ang anak ko!?, walang kalaban-laban, tinadtad niyo ng saksak, sana man po kung sino man pumatay sa kanya, bigyan niyo ng hustisya,” ayon naman sa ina ni Kulot na si Lina Gabriel.

Nabatid na sa Facebook lamang nalaman ng mga magulang ni Reynaldo ang nangyari.

Nag-post umano ang nasabing Funeral Parlor ng litrato ng biktima upang ipagbigay alam sa kung sino ang nakakakilala dito .

Umabot naman sa ina ng binatilyo ang nasabing litaro sa FB at napansin nga nilang tila ang anak nilang si Kulot iyon.

Ayon naman kay Supt. Peter Madria, hepe ng Gapan City Police, pagkatapos ang awtopsiya ay agad na dadalhin ang bangkay sa Maynila.

Sinabi ni Madria wala pa sa state of decomposition ang bagkay kaya may palagay sila na hindi pa nagtatagal nang patayin ito.