Arestado ang dalawang babaeng tulak nang bentahan ng mga ito ng shabu ang mga awtoridad at masilo sila sa ikinasang buy-bust operation na nagresulta rin sa pagkakaaresto sa lima pang suspek na kinabibilangan ng isang menor-de-edad sa Caloocan City kamakalawa nang gabi.

Kinilala ang dalawang­ babae na sina Joyleen Fallorina, 35, dalaga, at si Fremie Banal, alyas ‘Rose’, 39, dalaga, at kapwa nakatira sa Brgy. 176 Bagong Silang, ng naturang lungsod.

Kabilang din sa dinakip ng mga tauhan ng Caloocan City Police Drug Enforcement Unit ang 16-anyos na itinago sa alyas na ‘Carl’, at sina Daniel John Dizon, 25; mag-amang Joel Alonzo Sr., 41 at Joel Alonzo Jr., 21 at Edwin Nubla, 48.

Ayon sa pulisya, naganap ang operasyon dakong alas-11:30 nang gabi sa tapat ng isang bahay sa Phase 9 Package 8 Block 75 Lot 24, Brgy. 176 Bagong Silang, ng naturang lungsod.

Napag-alaman na nakumpirma ng mga pulis buhat sa kanilang mga asset ang operasyon nina Fallorina at Banal kaya ikinasa ang buy-bust.

Hindi na nakapalag ang dalawang babae nang magpakilala ang katransaksyon nila na pulis at dakpin ang mga ito.
Pinaligiran rin ng mga pulis ang lugar at inaresto ang mga inabutan sa naturang bahay.