Isang 30-anyos na rider ang natadtad ng kaso makaraang murahin, mag-dirty finger at takbuhan ang awtoridad na sumita sa una dahil walang suot na helmet sa Cagayan Valley Road, Brgy. Sta.Rita, Guiginto, Bulacan kamakalawa.
Kinilala ni P/Supt. Joel Aparejado, Guiginto Police Chief, ang naarestong si Joseph Daligdig y dela Cruz, 30, binata, walang trabaho, ng 113 Brgy. Pritil. Nakapiit ito ngayon at nahaharap sa mga kasong Direct Assault, Resistance and disobedience to a person in authority.
Sinampahan din ng kasong paglabag sa RA 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009 at RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code ang suspek kung saan nakumpiska sa tirahan nito ang 2 motorsiklong walang mga papeles na kinabibilangan ng Suzuki Raider at Skygo na tanggal na ang mga accessories.
Ayon kay PO1 Jayson Quidasol, alas-4:40 ng hapon nang magsagawa ng Oplan Sita sina PO1 Al-zaide Jamahali at PO3 Roel de Guzman sa Cagayan Valley Road.
Sa halip na huminto ay nag-dirty finger at nagbanggit ng maaanghang na salita sa mga pulis si Daligdig bago pinaingay ang selinyador ng itim na Yamaha Mio motorcycle saka ito tumakas kaya nagkaroon ng habulan hanggang makorner ito sa tapat ng kanyang bahay sa Brgy. Pritil.