Pulis Cainta nabaril sariling anak

Patay ang 20-anyos na binatilyo nang mabaril ng sariling ama makaraan ang mainitang pagtatalo habang lango sa alak ang suspek na pulis at hindi umano sinasadyang makalabit ang gatilyo ng kanyang service firearm sa loob ng kanilang bahay sa Barangay San Roque, Cainta, Rizal.

Boluntaryong sumuko sa Cainta Police station si P/SSG. Pepito Difuntorum Jr. y Conel, 41-anyos, nakatalaga sa Cainta Police Mobile Police Station na ngayon ay nahaharap sa kasong parricide.

Kinilala ang biktima na si Paolo Difunturom, na nagtamo ng tama ng bala ng .9mm Beretta ng ama sa kanyang tiyan.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni P/Ssgt. Auggie Baicaure ng Cainta Police, nag-iinuman ang suspek at asawa nito sa loob ng kanilang bahay nang magkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa sakitan at murahan noong May 23.

Nagawang awatin ng biktima ang pananakit ng ama hanggang sa naitulak nito at doon na nagkaroon ng pagkakataon na makuha ng suspek ang kanyang baril at hinabol ang anak at nabaril ito sa tiyan.

Agad na isinugod sa Cainta Hospital ang biktima pero makalipas ang ilang oras ay binawian ng buhay. (Vick Aquino)