Sapul sa kanang hita ang isa sa mga operatiba ng Bacoor Component Police Station sa Cavite sa isi­nagawang Oplan Tokhang sa Barangay Alima Bacoor Cavite, pasado alas-singko ng umaga kahapon.

Ayon sa panayam kay P/Supt. Christopher Olazo, hepe ng Bacoor CPS, naaresto sa operasyon ang mga may warrant-of-arrest na sina Elino Yapcha at Adel Francisco na may kasong attempted homicide, at Arnel Bernardo na sabit sa kasong illegal gambling.

Minalas namang nabaril nang ‘di nakikilalang suspek si PO1 Peter John Sitay habang nagsasagawa ng ‘katok’ sa mga bahay ang mga operatiba. Agad nagsagawa ng follow-up operation para sa agarang ikadarakip ng namaril na suspek.

Sa kabuuan ay 156 katao ang naimbitahan ng pulisya, 10 rito ay nagpositibo sa droga.