Bumulagta ang isang pulis na nakatalaga sa Camp Crame makaraang pagbabarilin ng isang lalaki habang nakikipag-inuman ang biktima sa dalawang kaibigan sa tapat ng kanilang bahay sa No. 1845 Goquiolay St., Pasay City kahapon ng umaga.
Namatay noon din ang 50-anyos na si SPO2 Patrick Palisoc, nakatalaga sa Police Security and Protection Group sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame, dahil sa ilang tama ng bala sa ulo at katawan mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Sa investigation report ng tanggapan ni Supt. Gene Licud, assistant chief for operation ng Pasay City Police, bandang alas-11:55 ng umaga habang nakikipag-inuman ang biktima sa mga kaibigan nitong sina Ronald Urbano at Pepe Ragano sa tapat ng kanilang bahay nang dumating ang gunman at pinagbabaril si Palisoc.
Pagkatapos ng ginawang pamamaril ay naglakad lamang ang suspek pabalik sa kanyang motorsiklo na nakaparada hindi kalayuan sa bahay ng biktima.
Hindi namukhaan nina Urbano at Ragano ang suspek dahil sa labis na pagkagulat sa pangyayari.
Blangko pa ang pulisya sa insidente pero inaalam na kung may closed-circuit television sa lugar at nahagip ang pamamaril para matukoy ang suspek.