Inaresto ng kanyang mga kabaro ang isang pulis sa Pangasinan na nahuli sa isang iligal na sabungan noong Sabado.
Sa ulat na ipinadala ni Police Col. Ronald Lee, hepe ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), sa tanggapan ni PNP Director Police General Archie Gamboa, kinilala ang pulis na si PSSg. Sherwin Salazar, nakatalaga sa Pangasinan Police Office.
Ayon kay Lee, nasakote ng mga operatiba ng PNP-IMEG si Salazar dakong alas-8:30 ng gabi nitong Sabado habang nagsasagawa ng tupada sa JBC Cockpit Arena sa bayan ng Tayug.
Nabatid na bago inaresto si Salazar ay nagsagawa muna ng pagmamatyag ang PNP-IMEG sa nasabing lugar kung saan madalas umanong magkaroon ng tupada kapag Sabado at si Salazar diumano ang pasimuno.
Kinulong si Salazar sa Tayug Municipal Police Station at mahaharap sa mga kasong administratibo dahil sa grave misconduct.
Samantala, sinabi ni Lee na kanila pang iniimbestigahan kung may iba pang pulis na sangkot sa illegal gambling operation sa Tayug. (Edwin Balasa)