Pulis hinagisan ng molotov bomb sa demolisyon

Naudlot ang nakatakda sanang demolisyon sa isang pribadong lupain matapos manlaban ang mga residenteng apektado at hinagisan ng molotov at pinaulanan ng mga bote ang demolition team at mga kasama nitong pulis
kahapon ng hapon sa may Barcelona St. Binondo, Maynila.

Karamihan sa mga nasugatan na ‘di pa matiyak kung ilan ay miyembro ng demolition team na nakatapak ng mga basag na bote mula sa mga residente.
Naganap ang tensyon pasado alas-dos ng hapon habang bitbit ng demolition team ang order na nagpapaalis sa may 30 pamilya na umookupa sa pribadong lote na pag-aari ni Dolores Relinggo, may 45-taon na ang nakakalipas.
Nabatid na bago pa man nakalapit sa lugar ang demolition team ay hinarangan na ito ng mga residente at nagliparan na rin ang mga bote.
Mayroon din umanong naghagis ng molotov sa direksyon ng demolition team at mga miyem­bro ng Manila Police District (MPD) at SWAT team.

Sanhi nito, nagkaroon ng mora­torium na hindi muna itutuloy ang demolisyon.
Nilinaw naman ng Manila City Engineering office na wala silang kinalaman sa insidente dahil ito ay pag-aari ng pribadong indibidwal. (Juliet de Loza-Cudia)