Hinahasa ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang lahat ng mga pulis para maging bihasa sa mga engkuwentro lalo na sa paggamit ng baril.

Kasabay nito nagbanta muli si Dela Rosa sa lahat ng mga kriminal partikular ang mga sangkot sa iligal na droga na humanda sila sa posibleng sapitin mula sa mga pulis sakaling manlaban.

“Humanda sila sa kakayahan ng mga pulis na bumaril at ‘wag nang manlaban pa dahil hindi nila alam ang kanilang kahahapin,” babala ni Dela Rosa.

Kasabay ng pagbubukas ng PNP Bato cup para sa shooting tournament sa Lipa, Batangas, ay binalaan ni Dela Rosa ang lahat ng kriminal na humanda sa mga pulis dahil mas lalo pa nilang hinahasa ang kanilang kakayahang pumutok.

Binigyan diin ni Dela Rosa na sa ikatlong buwan ng kampanya ng PNP laban sa iligal na droga ay mas pinaigting pa nila ang operasyon kontra illegal drugs.

Pero nilinaw ng chief PNP na hindi naman ito nangangahulugan na iniutos nitong papatayin ang lahat ng mga kriminal at dapat lamang na maaresto pero kapag nanlaban ay maaari nang paputukan ang mga ito.