Aalisan na ng appointive power ang mga local executives sa pagpili ng mga pulis na mamumuno sa kanilang nasasakupan na daan na rin upang tuluyan nang maihiwalay at hindi na mabahiran ng politika ang kapulisan.
Ito ang pangunahing layunin ng panukalang batas na inihain ni Senator Panfilo Lacson na naglalayong pairalin ang propesyonalismo sa hanay ng Philippine National Police (PNP) partikular pagdating sa pagpili ng provincial commanders, city at town chiefs of police.
Sa Senate Bill 971 ni Lacson na dating PNP chief, nakapaloob ang paghikayat sa local police na tumutok sa kanilang trabaho at hindi dapat magkaroon ng utang na loob sa mga local executives na siyang kasalukuyang may hawak ng appointive authority.
Sa panukala, ipagkaloob sa mga PNP regional director ang kapangyarihang mamili ng provincial/district director.
Bukod sa provincial/district director ay bibigyan din ng kapangyarihan na mamili ng city o town chief of police.
Ang mga provincial/district directors ay pipiliin ng regional director mula sa listahan ng qualified candidates.