Pulis inambus sa Pasay City

Patay ang isang pulis makaraang tambangan ng riding-in-tandem habang sakay ng kanyang motorsiklo pauwi sa kanilang bahay sa Pasay City, Huwebes ng umaga.

Nalagutan ng hininga makalipas ang ilang minuto matapos isugod sa Pasay City General Hospital dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Police Corporal Alvin Villareal y Bulan, 32, may asawa, nakatalaga sa Kalayaan Police Community Precinct sa Pasay at nakatira rin sa nasabing lungsod.

Sa isinumiteng ulat ni Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, dakong alas-7:30 ng umaga nang tambangan ang biktima sa West Service Road patungong Nichols.

Nabatid na pauwi na si Villareal galing sa kanyang duty sa presinto nang tambangan ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklong walang plaka.

Ilang miyembro ng Philippine Air Force ang rumesponde sa insidente at isinugod ang biktima sa nasabing ospital pero namatay din ito bandang alas-8:02 ng umaga.

Kaugnay nito, inatasan ni Police Col. Yang ang kanyang mga tauhan sa pangunguna ni PCMS. Joel Landicho ng Station Investigation and Detective Management Branch na masusing imbestigahan ang pamamaslang sa biktima at busisiin ang mga closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar na pinangyarihan ng krimen para matukoy ang mga suspek. (Armida Rico)