Nasawi ang isang opisyal ng Pasay City Police matapos mabaril ng suspek sa pagpatay sa isang Grab driver nang makatunog ito na may papara­ting na mga pulis para arestuhin siya sa pinagtataguang bahay sa Baclaran kahapon nang hapon.

Nakilala ang napatay na pulis na si Senior Inspector Manuel Taytayon Jr., hepe ng Intelligence Section ng Pasay City Police.

Patay din ang wanted na suspek na si Marck Delemios alyas Nico, 26-anyos, miyembro ng Batang City Jail at nahaharap sa mga kasong carnapping, robbery with homicide at murder sa Pasay City Regional Trial Court Branch 115.

Pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek dahil sa panghoholdap, pagpatay at pagtangay sa sasakyan ng Grab driver na si Gerardo Maquidato Jr., 37-anyos, noong Oktubre 26, 2017 bandang alas-7:45 nang gabi sa harapan ng Express Payment Center sa Bonanza St., Brgy. 189, Zone 20, Pasay City.

Naaresto siya pero nakatakas noong Agosto 2018 matapos tuklapin ang kisame sa bodega ng Pasay City Jail na nasa ikaapat na palapag.
Batay sa ulat ng pulisya, nagsagawa ng follow-up ope­ration sina Taytayon bandang alas-tres nang hapon makaraang makatanggap ng impormasyon na nagtatago ang suspek sa bahay ng kanyang lola sa Brgy. 184, Don Carlos Village sa Baclaran.

Pero nakatunog umano ang suspek at matapos sipain ni Taytayon ang pintuan ng kanilang bahay ay agad itong pinaputukan ng baril at tinamaan sa katawan.

Gumanti naman ng putok ang mga tauhan ni Taytayon at napatay din ang suspek.

Nagtamo ng anim na tama ng bala sa katawan si Taytayon na naisugod pa sa San Juan De Dios Hospital pero dineklarang dead-on-arrival.
Dead-on-arrival din sa pagamutan ang suspek.