Dinakma ang isang miyembro ng Manila ­Police District (MPD) sa inilatag na entrapment ope­ration kaugnay sa umano’y ­ginagawa nitong pango­ngotong sa mga bus sa Lawton, Maynila.

Kinilala ng Counter-Intelligence Task Force (CITF) ng Camp Crame ang suspek na si Police Officer 2 Joseph Buan, nakatalaga sa Manila District Traffic Enforcement Unit.

Si Buan ay inaresto matapos tanggapin ang marked money dakong alas-12:30 ng tanghali sa may Lawton mula sa isang bus driver.

Nakatanggap umano­ ng reklamo ang CITF noong Hulyo 18 na dala­wa umanong miyembro ng MPD ang nango­ngotong kada Biyernes sa ­Liwasang Bonifacio, Lawton, Maynila.

Sa sumbong, nango­ngolekta umano ang mga naturang pulis ng P500 hanggang P2,000 sa mga bus operators ng Viofel, EPL, at Yohan Bus Company kada Biyernes.

Nagsagawa ng surveillance ang mga tauhan ng CITF at nakumpirma ang panghihingi ng mga pulis kada Biyernes at nagbabanta na huhulihin ang mga bus kapag hindi nagbigay ng pera.

Kamakalawa, ikinasa na ang entrapment operation at inaraesto si Buan matapos tanggapin ang P6,000 marked money mula sa bus dispatcher.

Nakuha sa suspek ang P6,000 marked money, service firearm na Glock 17 na may bala, tatlong mobile phones at booklet ng Ordinance Violation Receipt mula sa City of Manila.

Dinala sa Camp Crame si Buan para sa pagsasampa ng kasong robbery extortion sa Manila Prosecutor Office.

One Response