Inaresto ng kanyang mga kabaro ang isang pulis Maynila na pumatol sa request ng isang customer na magpaputok at nakasugat ng isang customer sa loob ng isang videoke bar, kahapon ng hatinggabi sa Tondo, Maynila.

Dinala sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang suspek na si SPO2 Ryan Marcelo, nakatalaga sa MPD-Headquarters Support Unit.

Sa imbestigasyon, nalaman na nakainom ang suspek nang dumating sa Butch Videoke Bar at naka-sibilyan lang dakong mag-alas-12:00 ng hatinggabi.

Ayon sa isang saksi, si Marcelo at kanyang kasama na si PO2 Ramada Mupa ay binati ng mga kapwa customer na sina Julius Ceasar Faustino at Augustus Faustino na nagsa­lita ng: “Andito pala kayo, isang putok naman d’yan.”

Sumunod naman si Marcelo at bumunot ng baril at pinaputok sa sahig pero tumalsik ang bala at tumama sa leeg ni Charlito Tismo, 37.

Gayunman, sinabi ni GAIS head Chief Inspector Joey De Ocampo na itinanggi ni Marcelo na nagpaputok siya ng baril.

“Ayon sa kanya, sinalo niya ‘yung baril niya dahil nalaglag kaya lang aksidenteng nakalabit niya kaya pumutok,” ayon kay Ocampo.

Iniimbestigahan kung ang bala na nakasugat sa leeg ni Tismo ay galing sa baril ni Marcelo.

Tumagal pa ng halos dalawang oras bago naaresto ng Special Weapons and Tactics (SWAT) si Marcelo.

Nahaharap sa kasong alarm and scandal at slight physical injury si Marcelo.