Pulis na bumaril sa ex-army sasampahan ng kaso

Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang isang pulis na nakabaril at nakapatay sa dating sundalo sa quarantine checkpoint sa Quezon City noong Martes.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Ronnie Montejo, boluntaryo nang sumuko sa kanilang tanggapan si PMSgt. Daniel Florendo Jr., na nakatalaga sa Fairview Police Station (PS 5).

Isinuko din ni Florendo ang kanyang service firearm na ginamit sa pamamaril sa biktimang si Winston Ragos, 34, dating sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinabi ni Montejo, masusi nang iniimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at District Internal Affairs Service ang naganap na insidente.

Magugunitang, dakong alas- 2:30 ng hapon ng Abril 21, nang maganap ang pamamaril habang nagbabantay si Florendo at apat na police trainee mula sa Highway Patrol Group, sa isang quarantine control point sa Maligaya Drive, Brgy. Pasong Putik.

Nilapitan umano ni Ragos ang mga police trainee at saka pinagsisigawan at pinagsalitaan ng masama.

Pinagsabihan naman umano ng mga pulis si Ragos na umuwi na lamang dahil lumalabag ito sa ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) ng pamahalaan ngunit hindi ito sumunod at sa halip ay nagpakilala pang dating sundalo.

Kalaunan ay natuklasan ng mga pulis na may dalang kalibre .38 revolver, na kargado ng mga bala si Ragos sa kanyang bitbit na sling bag, kaya’t bumunot ng baril si Florendo at nilapitan ang retiradong sundalo.

Inatasan umano ng pulis si Ragos na sumuko nang mapayapa ngunit sa halip na tumalima ay tinangka pa umano nitong bunutin ang dalang baril.

Dahil nakaramdam ng panganib sa buhay ay inatasan pang dumapa ang sundalo subalit nagmatigas pa ito kaya pinaputukan ni Florendo.

Nang bumagsak si Ragos ay isinugod pa ito sa Commonwealth Hospital ng mga awtoridad, ngunit idineklarang patay.

Nasamsam naman ng mga imbestigador ang sling bag, baril na may apat na bala na walang serial number sa napatay na sundalo na mahigpit namang pinabulaanan ng pamilya nito at sinabing walang dalang baril si Ragos.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Montejo na magiging patas ang imbestigasyon sa insidente.

“Masasabi kasi nating judgement call ‘yung naging aksyon ng ating pulis laban sa suspek na armado din ng baril kaya nagawa niyang paputukan. Gayon pa man, pinaiimbestigahan na natin ang naturang insidente,” giit ng QCPD chief. (Dolly B. Cabreza)