Pulis na COVID positive bumiyahe sa Baguio

Isang pulis na nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Baguio City, ang iniimbestigahan ng Philippine National Police dahil sa pagbiyahe nito sa lungsod sa kabila ng pinatutupad na paghihigpit sa mga border.

Kinilala ang ika-31 na pasyente sa Baguio City na si PMaj. Rafael Roxas, deputy chief ng PNP Crime Laboratory Fingerprint Division sa Quezon City.

Nagpositibo ito noong May 11, pero naka-isolate na nang dumating ito sa lungsod para bumisita umano sa kamag-anak.

Pumayag umano si Roxas na ilabas ang pagkakakilanlan niya para mapabilis ang contact tracing.

Sa kabila nito, iimbestigahan umano ang pagbiyahe ni Roxas sa Baguio City at kung mapatunayan umano na nagkaroon ito ng kapabayaan ay mapapatawan ito ng disciplinary action.