Mahigpit na iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa pagkakadawit ng isang pulis sa pag-aresto kay Juromee Dongon, ang asawa ng napatay na Malaysian bomb maker na si Zulkifli Binhir, alyas Marwan.

Sa direktiba ni Dela Rosa, kailangang isailalim sa interogasyon ang pulis na si SPO4 Andy Atta at ang kanyang asawang si Lorilee Dongon Atta, na kasamang naaresto ni Dongon sa operasyon sa Lanao del Norte kamakalawa.

Sinasabing ang asawa ni SPO4 Atta na si Lorilee ay kapatid ni Juromee, na naging dating asawa ni Abu Suyaiman, na deputy naman ng napatay na ASG leader na si Khadaffi Janjalani.

Nang isagawa ang pagsalakay sa bahay ni Juromee, nagkataon na naroon si Lorilee at si SPO4 Atta kaya inaresto din sila. (Betchai Julian)