Kasabay ng pinaigting na kampanya ng pamunuan ng Philippine Nationa­l Police (PNP) kontra iliga­l na droga, mahigpit din ang babala ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa lahat ng mga pulis na tuma­tanggap ng ‘payola’ mula sa droga at iligal na pasugalan sa bansa.

Sa talumpati ni Dela Rosa kahapon sa pagbisita nito sa La Trinida­d, Benguet, seryosong bina­laan nito ang lahat ng mga pulis at sinabing may kala­lagyan ang mga ito kapag napatunayang tumatanggap o nakikinabang sa droga at iligal na sugal.

“Ulit-ulitin ko ito, I have to remind you always, please huwag ka­yong pumatong sa droga­, please huwag kayong pumatong sa anumang iligal na gawain. Hindi ninyo alam ‘yung tinatanggap ninyo ngayong pera galing sa illegal gambling, halo na diyan ang pera galing sa illegal drugs,” nakasaad sa talumpati ni Dela Rosa.

Sinabi pa ni Dela Rosa na ang mga taong sangkot sa iligal na sugal ay ang mga tao rin sangkot sa iligal na droga.

“Kaya maraming nagkaloko-loko ang buhay na pulis, akala nila pera iyon sa illegal gambling, hindi ninyo alam na ‘yung infrastructure na ginagamit sa illegal gambling, ‘yun din ang infrastructure o network sa illegal drugs,” dagdag pa ni Dela Rosa.

“Like Region 6 and Region 7, kung sino ang nagpapatakbo ng gambling, ‘yun din ang nagpapatakbo sa illegal drugs. Kaya two in one ang hit natin. Kaya please stay away from all of those… huwag na kayong tumanggap na pera galing sa illegal gambling, stop,” wika pa ng chief PNP.

Una nang inihayag ni Dela Rosa na dati pa siyang tinatangkang suhulan ng mga gambling lord pero mahigpit ang pagtanggi nito.

“Lately ko na na-rea­lize na pag ikaw naging chief PNP malaki pala ang pera sa illegal gambling para sa’yo. Ino-offer sa akin pero hindi ko po ‘yun tinanggap,” pahayag pa ni Dela Rosa.

Tiniyak ni Dela Rosa na ang pagsugpo naman sa iligal na sugal ang kanilang tututukan pagkatapos ng kampanya laban sa iligal na droga.

One Response

  1. Hindi pwedeng magmakaawa sa mga pulis na wag tumanggap ng pera sa droga. Kung hindi sila tatangap bibigyan mo ba sila ng pera? Gumawa ka ng paraan para hindi sila tumanggap ng pera. Kung gusto mo tuturuan kita ng systema. Pero siyempre may bayad. Ano ako bayani?