Pulis na nasapul sa barilan, natuluyan

barilan

Hindi na kinaya ng katawan ng isang pulis-Maynila ang komplikasyon matapos tamaan ng mga bala sa atay sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng dalawang lalaking holda­per noong Disyembre 11 sa may Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila.

Alas-3:15 ng hapon kamakalawa nang bawian ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Police Corporal Edgil Bombase, nakatalaga sa Manila Police District-Police Station 3 matapos ope­rahan sa atay.

Kahapon ng ala-1:30 ng hapon dinala naman sa MPD-Headquarters ang bangkay ni Bombase para iburol sa MPD Headquarters sa UN Avenue, Ermita, Manila.

Matatandaang noong Disyembre 11 inatasan si Bombase na beripikahin ang naganap na robbery hold-up pero pagtapat sa lugar kung saan ini-report na may mga lalaking nakaistambay at armado ng baril, biglang binaril ng suspek na si Rodel Vicente y Antonell, 33, taga-#1555 Antipolo St., Sta. Cruz, Maynila si Bombase ng apat na beses.

Nagawa pa ni Bombase na makaganti kaya napatay si Vicente kung saan nakumpiskahan ng dalawang baril at P130,000 cash.
Ang kasamahan nito ay nakatakas pero napatay rin sa dragnet operation ng mga pulis. ­(Juliet de Loza-Cudia)