Kalaboso ang isang dating pulis kasama ang kaibigan nito makaraang mahuli sa akto ng mga awtoridad na nag-aabutan ng shabu sa Navotas City kamakalawa ng hapon.

Sina Ferdinand Raguin, 51-anyos, dating kawani ng Philippine National Police (PNP) at Jerry Aspe, 42-anyos, kapwa taga-Market 3, Squatters Area, NFPC, Brgy. NBBN, ay nakakulong ngayon sa Navotas City Detention Cell.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Ernesto Ravanera Jr., ala-1:15 ng hapon, nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng Maritime Police sa pangunguna nina SPO2 Manny Vidal, PO3 Olda­rico Quinabato Jr., PO3 Jacinto Gammad Jr., PO1 Ariel Bustillo, PO1 John Jeffrey Tristan, PO1 Nikki Pepito, PO1 Christian Cresencio, PO1 Ilouje Demdam at PO1 Kevin Tan sa Palengke St., Brgy. NBBN, Navotas City nang mamataan nila ang isang lalaki na may inaabot na isang plastic sachet ng hinihinalang shabu sa kasama nito.

Nilapitan ng mga pulis ang dalawang suspek at sinita. Nang kapkapan, nasamsam sa kanila ang limang plastic sachet na may lamang shabu.

Dito na nagpakilala si Raguin na dati siyang pulis, pero dinala pa rin ito sa presinto.