Pulis na positive sibak, paano naman ang mga nakapuwestong pulitikong positive rin?

Sibak agad ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nagpositibo sa isinagawang confirmatory drug testing.

Umaabot sa 116 kagawad ng PNP ang nagposi­tibo sa serye ng drug testing na isinagawa sa may 75,964 mga tauhan ng PNP bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Ang pagsibak sa mga nagpositibong pulis ay kinumpirma ni Senior Supt. Faustino Manzanilla, exe­cutive officer ng PNP Directorate for Investigation and Detective Ma­nagement.

Bukod sa pagkakasibak sa puwesto ay mahaharap din ang mga ito sa criminal at administrative charge.

Bukod sa 116 na mga nagpositibo ay may nauna nang tinukoy si Pangulong Rodrigo Duterte na 34 na mga personalidad mula sa PNP na nasa talaan ng “narco-officials” na sumailalim din sa initial at confirmatory drug tests at sa ngayon ay iniimbestigahan na ng PNP  Internal Affairs Service (IAS).

May malinaw ng polisiya ang PNP sa mga napatunayang nagpositibo sa iligal na droga at ito ay ang pagkasibak sa puwesto at pagharap ng kasong admi­nistratibo at kriminal.

Pero ang tanong papaano naman ang mga halal na pulitikong nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga?

Alam nating may batas na ipinaiiral laban sa mga halal na opisyales na nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga kaya dapat ay istriktong ipatupad ang batas hinggil dito para mawala na sa puwesto ang mga ito dahil hindi sila mabuting mga ehemplo sa kanilang mga nasasakupan.

Kagaya na lamang ng isang konsehal na nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga sa Quezon City. Hanggang ngayon kasi ay wala pang opisyal na pahayag kaugnay sa sitwasyon ni Councilor.

Dahil sa nangyaring ito sa QC dapat ay gawing mandatory na ang pagpapa-drug test sa lahat ng mga halal na opisyal ng pamahalaan para masigurong drug-free ang mga nakaupong mga lokal at nasyonal na mga opis­yales ng ating pamahalaan.