Hinamon ni Sariaya, Quezon Mayor Marcelo Gayeta ang Philippine National Police na ilabas at iharap sa batas ang mga miyembro nito na sangkot sa pagkamatay ng kanyang anak.
Sa paghahatid nito sa huling hantungan ng anak, kahapon nang umaga sa Sariaya Public Cemetery, hindi napigilan ng alkalde ang emosyon at sinabi pa nito na dapat na ilabas ng pulisya ang tauhan nito na pumatay sa kanyang 21-anyos na anak nito na si Christian.
“Ako bilang mayor may mga tauhan din ako na gumagawa ng kamalian, pero ako ang personal na nagdadala sa kanila sa presinto, kung hindi ninyo mapapasunod ang mga tauhan ninyo, magbitiw na lamang kayo sa pwesto ninyo,” ang umiiyak na sabi ni Gayeta.
Tinukoy ng alkalde ang pagkawala ng sinibak na hepe ng Tayabas Police na si Supt. Mark Joseph Laygo na hindi na umano nag-report sa Quezon Police Provincial Office simula nang lumabas ang mga testigo na nag-uugnay dito sa pagkamatay ni Christian.
Kasamang nawawala ni Laygo ang dalawa pang pulis na tinukoy na isang PO1 Legaspi at isang PO2 Sumagpong na siya umanong mismong bumaril kay Christian at sa driver ng mga Gayeta na si Christopher Manalo noong Marso 14 nang madaling-araw. (Ronilo Dagos)