Pulis na tumodas kay Ragos,4 pa inulan ng kaso

Patong-patong na kaso ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa pulis at apat na police trainee kaugnay sa pagkamatay ng retiradong sundalo na si Winston Ragos.

Ayon sa NBI, planted ang baril na isang .38 Smith and Wesson na sinasabing nasamsam sa pinaslang na ex-Army.

Sa ulat, ang baril ay rehistrado sa isang Lauro Reyes noong 1997 subalit ayon sa misis ni Reyes, 1994 pa nang mamatay ang kanyang mister o 25 taon ng patay, base sa isinumiteng dokumento ng NBI sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Alinsunod sa imbestigasyon nadiin ng NBI sa kaso sina PMSg Daniel Florendo, P/T’s Joy Flaviano, Arnel Fontillas, Dante Fronda, Dalejes Gaciles at PSSg Hector Besas sa kasong murder, perjury at planting of evidence.

Magugunitang naging kontrobersyal ang pagkamatay ni Ragos sa isang quarantine checkpoint sa Quezon City noong Abril matapos lumabas sa imbestigasyon na may sakit sa pag-iisip ang biktima.

Binaril si Ragos ni Florendo Jr., dahil sa akma umanong maglalabas ng baril ang una mula sa kanyang sling bag nang sitahin dahil umano sa paglabag sa quarantine.

Kasong murder, perjury at pagtatanim ng ebidensiya ang kinakaharap ng limang suspek.

Kinumpirma rin ng NBI na tanging bote ng mineral water at iba’t ibang ID ang laman ng bag ni Ragos.

Ayon pa sa NBI si Ragos ay may Schizoprenia paranoid bunsod ng inabot na psychological trauma nang magsilbi itong miyembro ng Philippine Army.(Nancy Carvajal)