Isang pulis na nakatalaga sa Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Bulacan PNP ang napatay makaraang mabaril ng isang notorious drug pusher na napatay din sa engkuwentro sa Plaridel, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ni Police Col. Chito Bersaluna, Bulacan police director ang napatay na si PCpl. Ronnie Tamaliwan, nakatalaga sa PIB ng Bulacan PNP Command-Malolos City, binata at taga-Hagonoy.

Napatay din ang suspek na si Nesty Nacino alyas Wek na sinasabing kalalaya lang sa kulungan.

Alas-10:30 ng gabi nang makatanggap ng telephone call mula kay Barangay Captain Danilo Tayao ang himpilan ng pulisya dahil sa grupo ng armadong kalalakihan na nakasakay sa maingay na motorsiklo at kahina-hinala ang kilos sa Brgy. Lalangan, Plaridel.

Nang sitahin ng mga barangay tanod ay nagbanta pa kaya humingi ng police response.

Kaagad namang rumesponde ang Plaridel police, PIB operatives at Bulacan SWAT.

Habang papalapit ang awtoridad ay sinalubong ito ng bala ng shotgun ng suspek na naging sanhi ng engkuwentro at tamaan si PCpl. Tamaliwan na kaagad isinugod sa Peralta Hospital-Plaridel ngunit dineklarang dead-on-arrival.

Nagawa pang makatakas at naghagis ng granada ng suspek ngunit nakorner din at napatay. (Jun Borlongan)