Sugatan ang paa ng isang pulis matapos aksidenteng pumutok ang kanyang baril sa loob mismo ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 V. Mapa station sa Sta. Mesa, Maynila.

Kinumpirma ni Regional Public Safety Battalion head Police Chief Insp. Wilmer Binag ang insidente kung saan kinilala niya ang biktima na si PO1 Aaron Torres.

Naganap umano ang insidente dakong alas-7:20 ng umaga sa loob ng tren sa may V. Mapa station.

Ayon sa isang pasaherong si Regie Panogan, nasa loob siya ng tren nang makarinig ng malakas na putok na halos ikabingi niya at nagdulot umano ito ng takot sa mga pasahero na nakasakay sa tren.

Nang bumukas ang pintuan ay lumabas ang pulis na parang walang nangyari at naglakad.

Nabatid na si Torres ay kabilang sa mga pulis na naatasang magbantay sa LRT.

Kasunod noon ay nagpadala na sa pagamutan si Torres dahil sa tinamong sugat sa paa.