Huli ang isang active na pulis ng Tayug Police Station (TPS), Pangasinan sa entrapment operation matapos nitong kikilan ng pera ang isang aplikanteng gustong maging pulis sa nasabing bayan noong Martes nang gabi.
Kinilala ni TPS officer-in-charge P/Maj. Arnold Soriano ang suspek na si P/Executive Master Sgt. Marlon Aguilar, 39, ng Barangay Camantiles, Urdaneta City, nakatalaga sa TPS.
Sa ulat ni Soriano kay Pangasinan Provincial Police Office (PPPO) director P/Col. Redrico Maranan, ang pag-aresto kay Aguilar ay nag-ugat sa reklamo ng isang aplikante sa pagkapulis.
Agad namang nagsagawa ng operation ang TPS Intelligence Unit at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) at dinamba ang suspek matapos tanggapin ang entrapment money sa isang undercover agent.
Ayon sa TPS, si Aguilar umano ay humihingi ng P60,000 hanggang P80,000 sa complainant na lalaki, na hindi na binanggit ang pangalan, para siguradong makapasok sa Philippine National Police. (Allan Bergonia)