Pitong katao ang sugatan sa walang habas na pagpapaputok ng baril ng isang pulis-Navotas na rumesbak nang makitang sugatan ang kanyang ama na binugbog diumano ng isa sa mga biktima sa Caloocan City nitong bisperas ng Pasko.

Matapos ang kanyang ginawa ay umeskapo ang suspek na si PO1 Danilo Tiempo, nakatalaga sa Navotas City Police, pero sumuko rin ito pa­sado alas-kuwatro ng madaling-araw kasama ang kanyang ina kay Chief Inspector Bryan Lago, hepe ng Police Community Precinct 2 ng Caloocan City Police.

Nabatid na nangyari ang insidente dakong alas-11:05 ng gabi sa kahabaan ng Block 67, Kawal St., Purok 4, Barangay 28, Caloocan City.

Nasa lamay umano ang suspek na si PO1 Tiempo na ayon sa mga nakasaksi ay nagsusugal habang nakikilamay din ang mga biktimang sina Jayrold Balais, 28; Wilmer Cabulao, 36; Oliver Panican, 32; Anthony Claid, 29; Marvin Borres, 40; Joel Ramos, 37; at isang 16-anyos na binatilyo.

Ayon sa ilang mga nakasaksi, bigla na lamang napikon ang pulis hanggang sa nagpaputok na ito ng baril. Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas si PO1 Tiempo habang isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan ang mga sugatan na napag-alaman na pawang nasa maayos na rin ang kalagayan.

Depensa naman ni PO1 Tiempo na nagalit umano siya nang makitang sugatan ang kanyang ama at nalaman na binugbog ito ng isang grupo ng mga lalaki kabilang ang biktimang si Balais.

Nasa bahay umano siya noon nang dumating ang ama na sugatan dahil sinugod ito nina Balais. Doon na siya lumabas ng bahay bitbit ang dalawang baril na caliber 9mm at caliber .45.

Pagdating sa nasabing lugar, nagpaulan ng bala si PO1 Tiempo na ikinasugat ng pitong biktima.

Patuloy pa ang pag-iimbestiga ng pulisya sa insidente samantalang nakalabas na rin sa pinagdalhan sa kanilang pagamutan ang mga biktima.

Posibleng maharap umano sa kasong multiple frustrated homicide ang suspek na pulis. (Cherk Balagtas)